bahaghari
🎶 Nung ako’y nag hayskul ay
Napabarkada sa mga bi
Curious na babae na ang hanap
din ay babae 🎶
🎶 Dahil ba ang mga kilos ko’y iba
Sa dapat makita ng iyong mata
Sa tuwing nanonood ng liga laging
nakatulala
Kahit di pumasok ang bola
Ako’y tuwang-tuwa 🎶
Mga sikat na awit
Mga kantang libu-libong puso ang namingwit
Dahil natuwa
Namangha
Na-LSS
O di kaya’y
Nakarelate.
Nakaramdam ng koneksyon
Sa kantang nais
Sa kantang ang misyon
Ay makapagbukas ng isip
“I now pronounce you
husband and wife.”
Palakpakan.
Hiyawan.
Ayeeee. Woot woot.
Kasi babae yung nakaputi
Lalaki yung nakabarong
Kasi nga raw
Persepsyon ng mga tao
Ng karamihan
Ang lalaki ay para sa babae.
“Sinong nag-make up sa ate mo?
Bakla ba? Sino?”
Tanong ng tatay mo
Nung 18th birthday ng iyong Ate Malo
Talagang sa’yo pa
Na mas kabisado
Mga highend at local brands
MAC, BYS, Maybelline
Mas kilala
Mga damit na bago
Mga disensyong uso
ng mga bisteda’t gown na
pang bongga-low.
Pero nasagot mo ay
“Oo, Tay. Bakla.
Di ko po kilala.”
“Ma, si Kaye po pala.
Kaibigan ko.”
Pakilala mo
Sa kaibigang babae
Sa nanay mong
Paniniwala ay
Ikaw babae ay nilikha para
sa isang lalaki
Yung kaibigan mo
Kauri mo
Katulad mo
Na pinakilala mo sa nanay mo
Na iniibig mo ng todo.
“Sinong boypren ng anak ko, Kaye?”
Haha.
Ma.
Kung alam mo lang.
Pero paano?
Paano aaminin?
Bakit patuloy na kinikimkim?
Katotohanan
Nilalaman ng puso
Bakit di magawang sabihin?
Sa sariling magulang
Pamilya
Bakit di mapagsigawan?
Bakit ayaw iparinig
Ipakita sa karamihan?
Ang tunay na kulay
Ang dahilan kung bakit nabuhuhay
Kung ano ang papel sa storyang
sana’y makulay
May makikinig ba?
Oo, makikinig
Makikiramdam
Sa bigat na pinagdadaanan
Ng may pusong babae na si lalaki
At ang may pusong Adan na si Eba
Pero iilan lang
Ang handang tumanggap
Buksan ang isipan
Ang puso
Ang mata
Sa katotohanang
May love wins na,
may LGBT na.
Sila ay may lugar
Sila ay kapantay
Ng mga babae’t lalaking
nilikha Niya
Sila ay karapat-dapat
Tanggapin
Mahalin
at huwag mamaliitin
Pagkatao’y sirain
Pangarap ay walisin.
Sabi nga ni Gloc 9
“Kung minsan ay mas lalaki pa
sa lalaki ang bakla.”
Totoo.
Cuz girl, you are very fine.
Mga baklang mas may galang
Mas may dangal
Prinsipyo at pangarap
Sa pamilyang naghihikahos sa hirap
Kahit minsang itinakwil
O di tinanggap
Mga baklang
Ang layo na ng hakbang
Sa daan patungo sa hinahangad
Dahil sa may sipag at tiyaga.
Mga tomboy
Na mas marunong mag-alaga kaysa kay baby boy
Dahil mas takot na your heart will be destroyed
Pero sila pala
Ang sumalo sa mga bombang dineploy
Mula sa panghuhusga
Masasakit ba salita
Mula kay tita mo girl at tito boy.
Eh ano naman
Kung nagkakagusto ako both men and women?
Eh tao lang naman ako eh
May pakiramdam?
So what kung sundin ko ang puso ko?
Mula lalaki ay maging babae ako?
Eh ayaw kong kalbo ako eh.
Ayokong nakabrip ako.
Kaya, I’m transgender.
Oras na
Kanina pa
Noon pa
Matagal na
Na yakapin ng lahat
Bata o matanda
Millennial o patungong centennial
Ang mga tulad nilang
Gaya rin nating
Pagtanggap at
pagmamahal
ang hangad.
Ang kasiyahan
Tunay na kagalakan
Ay makakamtan
Kapag nailabas mo na ang katotohanan
Kapag tanggap mo na na woman na ang dating man
Kapag okey na sa’yo makakita ng magka hawak kamay na both man and woman
Kapag di ka na nandidiri kapag nakakarining ng kwento
Tungkol sa pogi
Transformed into a whole new beauty
Kapag nangyari iyon
Sa hinaharap
O di kaya ngayon, hinahangad ko
O, Panginoon
Mula Batanes hanggang Jolo
O di kaya’y Hello Philippines! (Hello, world!)
Ay magiging masaya
tulad ng rainbow.
Kaya tapikin ang katabi
Bigyan ng ngiti at sabihing
“Tanggap kita, sis.
Tanggap kita, bro.”
Bahaghari.
Comments
Post a Comment